Pages

Welcome to SIMATEO.blogspot.com! "One of the most beautiful qualities of true friendship is to understand and to be understood." - Lucius Annaeus Seneca ... God Bless us all!

Monday, October 22, 2012

'Super lolo'


 “Ayan! Ang asawa ay kawawa, nag-iisip ng mga ipapakain sa mga bata. Nang dumating si Peping na walang hiya, mga tao sa bangka biglang nawala.” Ito’y isa sa mga talata ng tulang naibahagi sa akin ni lolo Honrado habang siya’y aking kapanayam.

Mula pa noong tumuntong ako ng hayskul sa Liceo de San Pedro, madalas ko nang nakikita ang dalawang matandang pawang nangangausap ang mga kamay para sa mga baryang ipagbibili sana ng mga pagkaing ikakabuhay nila.

Maaga noon nang kami’y dumayo sa bayan ng San Pedro upang makapanayam si Aling Pacita sa may harap ng parokya ng San Pedro. Sa kasamaang-palad hindi namin naabutan doon si Aling Pacita.

Hindi kalayuan sa karaniwang pwesto ni Aling Pacita ay may isang matandang lalake na nakasumbrero at may hawak na tungkod. Siya si Honrado Española, 82 taong gulang, ipinanganak noong ika-16 ng Disyembre 1930 sa Iloilo.
     Ayon sa kanya ay hindi pa raw siya makauwi sa tahanan nila dahil sa bahang idinulot ng Hanging Habagat noong nakaraang mga linggo. Mula Biñan ay tinatahak niya hanggang San Pedro para lang makahingi ng kahit kaunting tulong sa mga nakakasalubong. Akalain mo ‘yun, sa edad niyang 82 ay nakapaglalakad pa siya ng ganoon kalayo?

Walong taon nang namamalimos si Lolo Hondrado mula noong tumigil siya sa pagja-janitor sa isang bus liner sa kadahilanang katandaan na rin siguro. Ngunit paano nga ba napadpad sa San Pedro si lolo mula Iloilo?

Lumaki si Lolo Honrado sa Iloilo. Bunso sa mga magkakapatid. Ikatlong baitang lang ang natapos dahil na rin sa kakulangan ng pera at kahirapan sa buhay. Nang lumaon ay nagtrabaho bilang isang sundalo. Sa kasamaang palad ay nakapatay siya ng isang opisyal at naging wanted sa kanila lugar kaya napilitan siyang takbuhan ang mga rehas na bakal.

Namasukan siya bilang iasng janitor sa JAM Liner hanggang siya’y nanghina na at kinailangan na ng tungkod upang makapaglakad ng maayos.

Mayroong inaalagaan si Lolo Honrado na isang apo dahil sumakabilang-buhay na ang kanyang isang anak. Pilit siyang kumakayod sa pamamagitan ng pamamalimos para lamang matustusan ang pangangailangan nilang mag-lolo.

Paminsan-minsan ay dumarayo siya sa mga selebrasyon para sa mga katulad niyang salat sa yaman katulad noong Disyembre ng 2011 kung saan nagdaos ang aming paaralan ng isang gift-giving day. Minsan ay lumahok na rin si lolo sa isang patimpalak sa  San Pedro kung saan siya ay tumula at nagwagi ng 1000 pesos at tinaguriang “super lolo” ng San Pedro. Ito ang tulang iyon:

Siya si Lolo Honrado Españonal, 82 taong gulang.
Kalamidad ay dumagsa
May isa pang bagyong sumalasa
Ito’y malupit kung humagipit
Signal no. 3 ang klanyang gamit
Iyan ay nangangalang Peping
Na nanalasa sa norte at Manila
Limang bayan ang kanyang sinira
Benguet, Ifugao, Abra, Apayao at Pangasinan
Mga kotse’t bahay, palayan at palaisdaan na nagkasira-sira
Iyan! ‘Di ko na Makita ang bahay sa tubig baha
Kung iyong Makita an gating tubig baha
‘Yan ay luha ng mga among nawalan ng alaga
Ayan ang asawa ay kawawa
Nag-iisip ng ipapakain sa mga bata
Nang dumating si Peping na walang hiya
Mga tao sa bangka, biglang nawala


May asawa si lolo Hondrado, ang pangalan niya ay Rebecca ngunit hiwalay na rin. May lima siyang anak, pawang mga drayber. Nag asawa ulit siya ng batang-bata na nagresulta sa pagkagalit ng kanyang mga anak at hindi na pagbibigay ng mga pinansyal na tulong madalas.

Naikuwento rin sa akin ni lolo ang buhay ni Aling Pacita. Si Aling Pacita raw ay 84 na taong gulang na. Katulad niya, matagal na rin daw itong namamalimos. Minsan din daw ay nahuli na siya ng DSWD pero nagpumilit na tumakas sa kadahilanang ayaw niya raw sa kanila. 

Dalawa lang sila Aling Pacita at Lolo Honrado sa libo-libong Pilpinong naghihirap sa Pilipinas; may mga bata at may mga matatanda na rin; ang iba’y nasa lansangan nalang, ang iba naman ay nawalan na ng pag-asa sa buhay.

Nasa kamay nating lahat ang mga tulong na kinakailangan nila, tulong na magbabangon sila at itatawid sa landas ng pag-asa. Ikaw? Nasubukan mo na bang tulungan sila?

“Tumingin ka sa paligid mo, tignan mo naman sila, tignan mo ang mga sikmura nilang  gutom, mga katawang  hindi man lang nahaplusan ng kahit kaunting pagmamahal at mga pusong hindi nayapos ng pagmamaghal ng lipunan. Ikaw, nag-aalala ka din ba sa kanila o sadyang kinalimutan mo na rin sila?” 

No comments:

Post a Comment